Sunday, May 24, 2009

Sa aking pagbabalik (Isang Panalangin)


Ilang ulit ko ng sinasabi "ayoko na".
hindi ko na mabilang ang pagkakataon na ako ay nagsasabing "patawarin mo ako".
Paulit - ulit ko nang sinasabi "hindi na po mauulit".
Umiyak, lumuhod at nagmamakaawa na para bang yun na ang aking huling pagkakataon.
Ngunit kung gaano ka dami sinasabing ang "ayoko na", mas higit pa don ang udyok ng damdamin na tila nagsasabing "gusto ko pa".
Ang salitang "patawad" ay gasgas na.
ang "hindi na po mauulit" ay naging paulit-ulit, paulit-ulit at paulit-ulit kung ginawa.

Ang ganitong pangyayari sa buhay ko ay isang pagpapatotoo ng iyong hindi maipaliwanag na pag-ibig sa akin. Pagkakataong ibinigay mo sa akin hindi lamang isa, kundi isang libo't isa, ay tanda na ikaw ay mahabagin.

Sino ba ako? wala akong dapat ipagmamalaki. Ni lakas upang umulat ko ang aking mga mata tuwing umaga ay wala ako. Lahat ay nanggagaling sa iyo. Sa iyong kabutihan kaya'y ako ay naririto.

Ngunit hanggang kaylan kita susuwayin? habang buhay ba kita ipapahiya? Hindi ko na po mabilang ang pagkakataon na sinuway at sinugatan ko ang iyong banal na puso.

Panginoon, alam kong tila nasasanay ka na nito, ngunit kailangan ko itong sabihin na "Patawarin mo po ako".

ako ay mahina at marupok
makasalanan at nararapat ng iyong hagupit.

Ngunit alam kong ikaw ay mapagmahal nawa'y husgahan mo ako ayon sa iyong dakila at banal na pagmamahal.hugasan mo po ako, at linisin dahil alam kung ikaw lang ang maaring makagawa niyan sa akin.

Sino ba ang aking masasabihan?
Ang aking mahal na Ina at mga kapatid ay malayo sa akin.
Ni matalik kung kaibigan hindi ako maiintihan, sa mga bagay na ikaw lang ang may lubos na alam.
Sa iyo ako lumalapit dahil ay ikaw ay subok ko na. Ikaw ang aking matalik na kaibigan.

Sa aking kahinaan ikaw ang kalakasan.
Sa aking kalungkutan ikaw ang galak.

Paano na kaya kung wala ka? hindi ko po masasagot dahil sa panahon na ako ay lumayo sa iyo, ikaw ay natataling walang pagod na naghihintay sa aking muling pagbalik sa ating tagpuan, sa isang sulok ng aking puso.
Kahit sinasaktan kita hindi mo magawang lumayo, dahil pangako mo hindi mo ako iiwan.

Ngayon nandito ako, nakikita mo kung sino ako.
Walang silbi! walang kadadala!
Bakit naaalala lamang kita sa panahong ganito?
Bakit hindi ko naisip ang lahat na ito sa panahong nandoon ako nagpakasasa sa maka mundo at maka sariling pagnanasa at kasakiman.

Dahil ay ako ay mahina
marupok
at makasalanan

Ngunit ang iyong wagas na pag-ibig ay kayang linisin ang lahat na iyan.

No comments:

Post a Comment