Monday, July 27, 2009

Tamis ng bunga ng katapatan


Isa sa pinakamagandang biyaya ng Diyos sa tao ay ang kakayahang makipagtalastasan. Ang bawat salita na lumalabas sa ating bibig ay makapangyarihan. Maari itong MAGPAPATAG o hindi kaya MAGPAHUNA. Maari itong MAGPAHILUM o kaya SUMUGAT. Maari itong MAGPATAWA o kaya MAGPA-IYAK. Maari itong MAGPATAYO o kaya MAGPABAGSAK.


Ano ba ang halaga sa iyo ang bawat salita na namumutawi sa iyong bibig? Napahalagahan mo ba ito tulad ng isang basong tubig habang naglalakad ka sa malawak at mainit na disyerto? Dapat lang, dahil ang bawat salita mo ay nagpakilala sa totoong ikaw, sa iyong pagkatao, sa iyong dignidad.


Maari nating sabihin na maliit lang ang ginagawa nating kasinungalingan at halos hindi ito na papansin, pero ang totoo, walang maliit o malaking pagsisinungaling, dahil ang dignidad mo bilang tao ay hindi maaring baguhin, ito ay tiyak, at hindi maaring palabasin na maganda ang isang larawan na unti-unting nabubulok dahil sa pagsisinungaling.


Totoo ang daigdig ng pagiging tapat at totoo ay sadyang napakalungkot, dahil iilan lang ang nangangarap at umasam na makakarating doon. Lahat nga daw ay sinungaling, at lahat naging biktima ng pagsisinungaling. Iyan ang kaisipan ng mga taong walang lakas baguhin ang kasing tanda na ng daigdig na kasal-anan, ang kasinungalingan.


Ngunit ang totoo ang buhay ay nagaalay ng mga magagandang pagkakataon upang tayong lahat maging tapat sa iba, sa ating sarili at higit sa lahat sa DIYOS. Ang pagiging tapat ay adhikaing banal at tuwid sa pangkat ang ating tagapaglikha ay tapat sa kanyang mga salita para sa atin. Ito ay nagbibigay ligaya at kapayapaan sa puso dahil ang taong tapat ay walang mga bagay na kinakatakutang mailantad dahil lahat nakikita sa salamin ng kanyang puso ang repliksyon ng katapatan. Ngunit ang mga sinungaling ay balisa at hindi mapakali. Tumatakbo wala naman humahabol. Nagtatago wala namang tumutugis, dahil sa kaibuturan ng kanilang puso nandoon nanahan ang halimaw ng kasinungalingan na unti-unti ng lumalamon sa kanyang pagkatao.


Iwaksi natin sa ating isipan ang maling adhikain na katanggap- tanggap ang pagsisinungaling paminsan-minsan. Mas maging mainam sa sisikapin nating maging tapat sa lahat na ating ginagawa sa lahat na panahon. Oo sa simula mahirap, ngunit ang mahalaga nagkakaroon ka ng busilak na adhikain gumawa ng tama. Kailangan mo munang maitanim sa iyong pusot isipan ang BINHI ng kahalagahan ng "BAWAT SALITA", hindi magtatagal ito ay unti-unting tutubo, yayabong, mamumulaklak at magbibigay bunga ng PAGBIBIGAY, PAG-ASA, KAPANATANGAN, PAG-AARUGA, PAGMAMALASAKIT at PAGMAMAHAL.


Isang araw matutuklasan mo na lang na ikaw ay naging tulad ng isang puno na matatag na nagbibigay bunga sa kanyang takdang panahon. Tinitingala dahil sa kanyang tatag, sinisilungan dahil sa lamig at lawak ng kanyang lilim at pinipitasan ng mga bunga upang ipamahagi. Ang tamis ng bunga ng katapatan.

Monday, July 20, 2009

Ang tao sa Buwan

Ang kalangitan ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Dios; at ipinakikilala ng kalawakan ang gawa ng kaniyang kamay.
Awit 19:1



July 20, 1969, linggo. Isang makasaysayang naganap hindi lamang para sa mga Amerikano, ngunit sa buong sangkatauhan. Sa araw na ito gunugunita natin ang ika 40 na anibersaryo ng unang naka-apak ang tao sa buwan. Marahil ito na ang pinakamapangahas na ginawa ng tao upang subukan arukin at sasiksikin ang isang daku na puno ng hiwaga at katanungan.

Sa kanilang pagbalik sa mundo, dala nila hindi lamang ang tagumpay ngunit pati na rin ang ilang sagot sa kanilang katanungan, mga sagot na maari pang magudyok sa kanila upang magtanong, mag-imbistiya at magsaliksik ulit. Sa pagkat likas sa tao ang patuloy magtukas at sumubok sa lahat na mga bagay na nasasagap sa kanyang pandama.

Ang pag-apak ng tao sa buwan ay isang palatandaan ng ating kakayahan at talinong mag-isip, mag-maglikha at sumubok ng bago. Ito ang dahilan kung bakit ang tao ay tinatawag na "PINAMATALINONG NILALANG" sa mundo, at itoy ang nag-hihiwalay sa natin sa ibang nilikha, at tinawag tayong "TAO" na pinakamatalino "kuno" sa lahat na mga hayop.

Ang talino ng tao ay galing sa DIYOS, ngunit madalas ang talinong ito ay ginagamit upang kutya-in at lapastanganan ang ating tagapaglikha. Karamihan sa mga scientist at inventor ay hindi naniniwala na may DIYOS. Para sa kanila lahat na bagay ay may paliwanag at dahilan. Ang Diyos ay nasa isip lang ng tao.

Bago na diskobre ng tao ang hydrogen o kaya mercury ito ay nandiyan na. Ang oxygen halimbawa ay nandiyan na yan mula ng nilikha ng DIYOS ang mundo. Ang naging trabaho na lang ng tao ay tuklasin at gamitin ito sa isang mas makabuluhang bagay para siya sana para-ngalan. Ngunit dahil sa kayabangan ng tao, itoy nagamit madalas sa kasama-an.

Pagkatapos masuyod ng tao ang kalawakan at masisid ang kailaliman ng karagatan, ano ang susunod niyang gawin, upang mapatunayan niya na siya ang pinaka magaling na nilalang sa ibabaw ng mundo? Kinalbo na natin ang kagubatan, nilason na natin ang karagatan at sinira na natin maging ang takip ng ating kalawakan. Ano pa ba ang kaya nating gawin? marami ba diba?

Sana habang pataas na pataas ang ating narating sa kalawakan, palapit na palapit din tayo sa ating tagapaglikha. Sana habang palalim na palalim ang ating naaarok sa kailaliman ng karagatan, palalim na palalim din ang ating ugnayan sa kanya.

Ang DIYOS ay nasa lahat na daku. Sana sa lahat na ginawa natin kasama ang pagnanais na parangalan siya. Sa ano mang ini-sip natin, sa lahat na sinasabi natin, sa lahat na pagpupunyagi natin sana kasama natin ang Diyos, dahil alam ko hanggang sa dakung doon na puno na ng misteryo at hiwaga nandoon ang Diyos, nandoon siya nung unang umapak ANG TAO SA BUWAN.

Friday, July 17, 2009

Ako ang nagwagi...ako ang nasawi!


Mag-iisang buwan pa daw ako noon nung linisan ng aking mga magulang ang bayan ng Parang, Maguindanao Sa Cotabato upang takasan at iwasan ang digmaan na hindi naman daw nila alam ang totoong dahilan.


Ilang taon na ang nakalipas ngunit ganun parin ang kalagayan ng lupang sinasabi nilang "LUPA NG MGA PANGAKO. Talagang bang hanggang sa pangako na lang ang lahat para sa Mindanao? Kahit nasa malayong lugar na ako, ngunit sa tuwing naririnig at napapanuod ko sa mga balita ang nangyayari doon, parang gusto kung bumalik sa nakaraan at siyasatin kung ano talaga ang dahilan kung bakit ang away at digmaang ito ay hindi matapos-tapos.


Ilang sundalo at Muslim na kaya ang nasawi sa digmaang ito? Ilang buhay at pangarap na ba ang nawasak dahil sa away na ito. Sino ba talaga ang totoong biktima sa walang katuturang digmaang ito. Ang digmaan ay walang nananalo, LAHAT ay talunan, ngunit ang higit na kaawa-awa ay ang mga walang kalaban-laban na sibilyan na naiipit at nadadamay sa gitna ng imperno na gawa mismo ng kapwa niya Pilipino.


Nadudurog ang aking puso, habang nakikita ko ang isang ama na hatak-hatak niya ang isang kalabaw na may hila-hila ding kalisa at doon nakasakay ang kanyang tatlong anak ,at isa sa mga batang iyon ay yapus pa ang alagang manok at tuta. Sila ay isang simpling magsasaka, na nagpapaka hirap sana para mabuhay, ngunit napilitang lumikas maisalba lang ang kanilang mga buhay dahil alam nila na ang bala ay hindi namimili kung sino ang kanyang tatama-an.


Babae, lalaki, matanda man o bata LAHAT BIKTIMA sa away na ito. At sino ang tutulong sa kanila? Taga saan ang kakanlung sa mga biktimang ito? Mga pilipino sila diba? ang higit sa lahat mga tao sila na may karapatang manirahan sa mapayapang pamayaan.


Ano ba ang ginagawa ng gobernong ito? Sapat na bang ang pinami-migay nilang lata ng sardinas at isang kilong bigas para sa mga mamayang apektado? Iwan ko lang kung ano ang tama, ngunit isa lang ang nais kung mangyayari, sana naman hindi lang sa panandali-ang lunas ang ating iisipin, ngunit isang solusyon na pang-matagalan at makatao.


Alam ko ang dig-maan ay bahagi ng buhay ng tao, ngunit kung makipag-laban man tayo sana sa patas at malinis na paraan. Sana ang pakikibaka at pakipag-laban natin ay isang mithiin upang tayo ay mas lalong umunlad. Hindi ko kayang basahin kung ano ang nasa likod ng mga utak ng mga taong may pakana nito, ngunit isa lang ang lubos ko nauunawaan, lahat ay may karapang mabuhay...nawa'y gampanan natin ang ating mga tungkulin kristiyano ka man o Muslim, Sundalo ka man o sibilyan pulitiko ka man o isang ordinaryong blogger lamang.

Wednesday, July 15, 2009

Pag-bibigay


Ibigay ang iyong matamis na ngiti sa lahat, maging sa mga taong ngayon mo lang nakikita.

Ito'y payak ngunit may kaka-ibang kapangyarihan, dahil ito'y naglalarawan ng iyong kaluluwa.

Huwag mapagod gumawa ng mabuti sa lahat na panahon.

May nanunuod man o wala magsumikap gumawa ng tama.

Lahat na magagandang bagay ay galing sa Diyos, at walang maliit, ngunit maganda kang ginawa ang nasasayang.


Kapag ikaw ay nagbibigay, huwag kang umasa na gagantihan ka dahil maaring ikaw ay mabibigo lamang.

Kung nag-aalok ka ng magandang bagay at ikaw ay tinangihan, huwag kang malungkot, tiyak ay may iba pang mas higit na nangangailangan ang nakahandang tumanggap sa iyong alok.


Ang mahalaga sa tuwing ikaw ay nagbibigay ay nandoon ang galak at kapayapaan, dahil ito ang totoong gantimpala sa taong mapag-bigay.


Kung ikaw ay humingi at hindi napagbigyan, huwag kang magtatampo.

Bakit hindi mo subukan sila ang pagbigyan sa pamamagitan ng iyong wagas na pag-uunawa.

Huwag mong sasabihin na pagod ka na sa pag-gawa ng kabutihan, dahil ang mga mabubuti ay araw-araw nagkakaroon ng panibagong lakas tulad ng AGILA.

Saturday, July 11, 2009

Huwag matakot

Huwag matakot mangarap at tumingala sa bituin,
sa pagkat sa pangarap ng simula at nabubuo ang lahat.
Doon malaya kang makagala maging sa kalawakan
upang iyong mahanap at mamasdan mula sa kataas-taasan
ang mga bagay na inaasam-asam.
Huwag matakot sumubok sa mga bagay na bago at hindi tiyak
dahil dito nasusubukan ang iyong tapang at likas na kakayahan.
Maging bukas at handa sa anumang pag-babago
upang matuklasan ang iyong kalakasan at maging kahinaan
upang sa ganun sarili ay lalong mapag-yaman.
Huwag matakot magmahal dahil yan ang bubuo ng iyong pagkatao.
Maging sa pagkakataon na hindi natutumbasan gaya ng iyong inaasahan,
magmahal ka ng lubos at huwag mangamba sa anumang kinalabasan
dahil ang busilak na puso ay may sapat na kakayahan upang ang lahat na hamon
ay mapagtagumpayan.
Huwag matakot magpamalas ng totoong naramdaman
dahil karapatan mo ang makinig at mapakinggan.
Ang pagpapamalas ng tunay na saloobin sa tamang paraan at panahon
Ay biyaya na galing sa Diyos mula ng ikaw ay isilang.
Huwag matakot lumaban kung kinakailangan
Kahit ikaw ay nag-iisa sa iyong pinagtatangol na adhikain.
dahil ang totoong laban ay hindi nasusukat kung sino ang nananalo
ngunit kung paano ka nakipaglaban ng malinis at patas haggang sa huli.
Maaring kailangan mo ng kasama upang makatayo ka sa harap ng mapangutyang madla
ngunit kailangan mo ng sariling tapang upang makatayong mag-isa.

Wednesday, July 8, 2009

Ayoko nang mag-isa!

Ikubli mo ako

sa luklukan ng puso mo

ayaw ko ng lumayo

pagsamo ko ay dinggin mo.




Isama mo ako

sa dakung paruru-unan mo

ayoko nang mag-isa

at mawalay pa sa piling mo.





(Isang sulat na naging tula. Tula na naging kanta. Kanta na ako lang ay may -alam. Sa nakalipas na mahigit na 6 na taon, ito ay nakasulat sa isang gusot na papel at nakasiksik sa isang lumang aklat nakatago sa isang sulok ng aking silid. Isang maikli ngunit madamdaming pag lalahad ng aking damdamin sa Panginoon, na sa panahon na inakala ko na ako ay nag-iisa at iniwan na ng lahat na kaibigan na dati ay aking kapanalig at kasama, at sa panahon na akala ko, pati SIYA ay nakalimutan na ako....doon ko natuklasan na ako pala ang naligaw at lumayo at sa kanya. Sa isang madilim at liblib na lugar na aalala ko doon ko ito nahabi sa aking pusot isipan, isang tula at panalangin sa sana'y lagi kaming magkapiling.....habang buhay!)

Saturday, July 4, 2009

Wag kang maki-alam kung wala kang alam..!


Likas na yata sa pinoy ang pagiging tsimoso at mahilig maki- alam sa buhay ng may buhay. Sa nag daang araw pinagkaguluhan hindi lamang sa bangkita na nagtitinda ng piniratang DVD sa eskandalong kinasangkutan ng mga kilalang personalidad na si Hydeen at Katrina, ngunit gumawa ito ng eksina sa maging sa Senado.



Ang isang bagay na gawa ng mga taong nasa tamang edad ay sagutin na iyon mismo sa taong gumawa nito. Tungkulin na niya ang pakaingatan , alaga-an at harapin ang mga bagay na kanyang ginawa tuwid man ito ay may kabaluktutan man. Ang mga taong kadalasan sangkot sa ganitong eskandalo ay mga taong nasa tamang edad na, kaya marapat na sila ay umakto ayon sa kanilang edad.



Ang hindi ko lang maiintihan kung bakit maging ang Senado nag-abala ba upang itoy halungkatin, at ang matindi pa ginagawa sa harapan ng mga camera upang kunware malaman ng buong bayan ang katotohanan. Ang isang bagay na ginawa ng dalawang tao sa isang sekritong lugar, ay ilantad mo sa publiko alang-alang sa sinasabing katotohanan??? Ang isang bagay na nag-uugat sa isang makasarili at maka mundong pagnanasa ng dalawang tao ay dalhin mo sa senado upang mas lalong kaladkarin ang mga taong may kaugnayan nito? Ganito na ba ka PAKI -ALAMIRO ang ating bansa?



Ang isyu ba ng eskadalong ito ay mahalaga pa kay sa isyu ng kawalan ng trabaho, malnutrisyon, digmaan sa Mindanao, basura at kurapsiyon sa pamahalaan. Si Katrina at Hydeen ay may mga trabaho, nakakain at nalalasap ang sarap ng buhay kumpara sa mga batang kalye na naghihintay lamang ng may mapupulot na pagkain sa kung saan-saan.



Kung makiki-alam man tayo, sana maki alam tayo sa totoong bagay na makabuluhan at may maiidulot nakabutihan sa karamihang pilipino. Walang eskadalo kung lahat ay maging maiingat at responsable sa bawat niyang galaw at kilos. Matatakot ang mga taong magkalat ng eskandalo kung ang bansang ito ay may batas na ukol dito. Ngunit ang tanong mayron ba??? yun ang dapat unahin ng mga pumapapel at paki alamirong mga pulitiko.



Hayaan mo ang mga taong gumagawa ng eskandalo na mamatay na baon ang hiya. Iyan ang kabayaran sa kanilang kabulastugan.