Saturday, November 28, 2009

Maguindanao, bayan kung sinilangan!


Ipinanganak ako sa bayan na ito, ngunit ilang araw pa lang mula nong akoy isilang nilisan ng buoang pamilya ang bayang ito dahil sa walang tigil na digmaan na ang mga ordinaryong mamayan ay walang alam kung ano talaga ang ugat at kadahilanan. Paminsan-minsan na iisip ko na balang araw ang bayan na ito ay muli ko pong babalikan, at sana mangyayari ito pagdating ng panahon.

Ilang araw pa lang ang nakalipas nagimbal hindi lamang ang sambayanang pipilino sa karumal-dumal na pagpaslang ng higit sa 57 ka tao sa bayang ito. Ang ilan sa kanila ay mga mamahayag na ginampanan lamang ang kanilang mga trabaho sa paglikum at paghatid ng balita. Ang pangyayari ay sumagat hindi lamang sa aking puso ngunit sa lahat na tao sa buong mundo na nagmamahal sa hustisya at demokrasya.

Ako ay nakikisa sa mga biktima at sa kanilang mga mahal sa buhay sa pagsisigaw upang mailantad ang katotohanan at mapanagot ang may sala. Ang aking inunan ay naibaon sa bayang ito, ako ay naging parti sa kasaysayan maging sa walang katotorang digmaan.

Dalangin ko na sa panahon sa ako ay mabigyan ng Diyos ng pagkakataon na makabalik sa bayang ito, sana ito ay maging bayan na ng pag-asa, katahimakan at pagkaka-isa kristiyano man o muslim.

Monday, September 28, 2009

Bagsik ni Ondoy (September 26, 2009)

(Ang mga kotsing ito ay tila mga laruan lamang na nagkalat sa daan)


(Isang Ama na buong lakas na inilayo ang anak sa panganib)




(Ang lupit ng kalikasan)




























































Saturday, September 12, 2009

Sapat na iyon...


Nagdadalawang-isip. Nangagamba. Natatakot.
Ang daming tanong na pumapasok sa ating isipan na para bang lahat na iyon ay gusto nating masagot agad. Isang tanong na may kabuntot na ibang tanong, o kaya isang kasagutan sa may dalang ibang tanong. Bakit kaya kailangan pang masaktan? bakit ba ang tao ay nagkakasakit? O bakit ang isang bagay na sinimulan mo ng tama ay nagtatapos na mali sa paningin ng iba.

Iiyak. Nagdaramdam. Nagtamtampo.
Ang madalas nating takbuhan at kublihan. Kublihan ng isang taong walang ibang kakampi kundi ang kanyang sarili. Sa isang sulok ng kanyang puso doon siya kukubli at pansamantalang sisilong habang unti-unti niyang pinupulot at pinagtagpi-tagpi ang mga nawasak na pangarap na sinira ng mapaglarung tadhana.

Pasasalamat. Pananampalataya. Panalangin.
Ang tootong lakas ng bawat isa. Sa mga tanong at pangamba na hindi kayang sagapin at sagutin ng ating isipan, at sa mga tanong ng buhay na may nakakubling takot...sa lahat na kayang gawin ng kalikasan at tadhana sapat na ang malaman na may isang DIYOS na nagmamahal at nag aaruga sa ating lahat. Sapat na iyon para sa lahat nating katanungan, dahil Siya ang lahat at ang lahat ay SIYA.

Saturday, August 29, 2009

Si Catty at ang malagong Palmera


(Ang Palmerang ito, habang buhay pa ay isang ala-ala para kay Catty at ang aming saglit na pagkaka ibigan)
Hindi ko alam kung siya ay sadyang iniwan o talagang naiwan ng kanyang ina. Siya ang nag-iisang kuting na lihim kung itinatago, pagkatapos ang lahat na mga pusa ay pinaghuhuli at tinipon sa malayong lugar. Sa planta na kung saan ako nagtatrabaho, ang pusa at mga ibon ay mga salot. Sinisira ng mga pusa ang iilang gamit at produkto ng kompanya na naka imbak sa bodiga. Ang mga ipot naman ng ibon ang dahilan kung bakit ang planta ay nababalutan ng mga nets, ang lahat na maaring daraanan ng mga ibon


Madaming pusa ang ang nahuli mula sa departamento na kung saan doon ako naka pwesto. Ipinasok sila sa isang sako, at ang sabi, itatapon daw sa malayong lugar, ngunit ang totoo hindi na namin alam kung saan talaga dinala ang mga pusang iyon, maaring sila ay tipinapon sa ilog o kaya sadyang iniwan lang sa tabing daan o ang masaklap iniling na buhay.


Mga alas 11:00 ng umaga matapos ang marahas na hulihan ng mga pusa, tinawag ako sa isa kung mga tauhan. Sabi niya, "Sir may isa pa pong kuting dito ang naiiwan" pinuntahan ko, at nakita ko ang isang maliit sa kuting na ka silid sa isang kahon sa isang sulok ng aking departamento. Natutulog siya na walang ka alam-alam na ang kanyang Ina ay hinuli na at inilayo na sa kanya. Habang tinitignan ko siya, naantig ang ang puso. Maaring itinakas at itinago siya ng kanyang Ina sa ka-initan ng hulihan.


"Huwag mung ipagsasabi na may nakita kang isang kuting" yan ang sabi ko sa aking tauhan na nakakakita sa kanya. "Yes sir" tugon niya sa akin. Binuhat ko ang kuting at dinadala malapit sa aking lamisa. Habang buhat-buhat ko siya, bahagya siyang gumalaw-galaw at pilit na dinidilat ang kanyang maliit na mata. Balak ko siyang iuwi ngunit walang mag-aalaga sa kanya sa pagkat nag-iisa ako sa bahay na aking inu-upahan at buong araw ako nasa trabaho.


Inilagay ko siya sa maliit na kahon at bumalik sa aking trabaho. Nakalimutan ko na siya, nang mga banda alas 3:00 ng hapon nakarinig ako ng isang maliit na meow ng isang kuting. Natatranta ako, baka kasi marinig ng iba at malalaman na nagtatago ako ng isang kuting na kina susuklaman ng mga may-ari ng planta. Binitbit ko siya palayo patungo sa isang sulok. Alam ko gutom na siya, insakto oras na ng pag-alas 3:00 na break inutusan ko ang isa kung kasama na bumili ng fresh milk pagkabalik niya mula sa kanyang breaktime. Gamit ang cotton buds na inilublub ko sa gatas unti-unting napapawi ang kanyang pagkagutom at pagka-uhaw. Awang-awa ako sa kanya habang pilit niyang sinisip ang gatas mula sa cotton buds.


Araw-araw nagdadala ako ng gatas para sa kanya. Habang nasa bahay ako, naiisip ko pa rin siya kung ano kaya nangyayari sa kanya sa buong gabi na iniwan ko siya sa loob ng planta. Pagkapasok ko kinabukasan siya agad ang aking pinupuntahan, at tila alam na niya kung may dumarating, agad itong nag-iingay na tila nag papapansin. Ang unang 30 minuto ko sa trabaho ay inila-an ko sa pag-aalaga at pagpapainum sa kanya ng gatas gamit ang bulak na matiyagang kung inilublub sa gatas na dala ko araw-araw. Minsan kahit busog na siya, itoy nag-iingay parin, ngunit sa tuwing ilalapit ko ang aking mga daliri agad itong tatahimik hahawakan at aamuyin niya ito at makikita mo sa kanya ang kapanatagan kung alam niya na nandiyan ako.

Lumipas ang tatlong lingo. Malakas na siya at lalo na siyang nag-iingay at palaging nagpapapansin. Gusto niya palaging nandidiyan ako. Ayaw na niya sa loob ng kahon. Aliw na aliw siya kung ito'y ilalapag at hayaan gumagala sa napakalawak na planta. Ngunit hindi maari, dahil alam kung ipinagbawal ang mga pusa sa loob ng planta. May 14 akong tauhan sa departamento at kinausap ko sila tungkol sa kuting. Aliw naaliw ang lahat sa maliit na kuting sa tuwing papasok kami sa umaga dahil agad itong sasalubong sa amin at nag-iingay na tila naglalambing. Tatahimik lang iyon kung siya ay hahawakan at himas-himasin. Pinangala-an natin siyang si Catty. Dahil nag-iingay siya kung ipapasok sa loob ng kahon hinahaya-an na lang namin siya paminsan-minsa na gumala at sumunod -sunod sa kahit kanino , salamat na lang bihirang-bihira kung umikot at dumalaw sa departmento ko ang may-ari. Sa tuwing natutunugan ko na parating ang may-ari agad- agad ko itong ipapasok sa loob ng drawer ko at bibigyan ko ng anumang pwedi niyang pag-laruan upang kahit ilang saglit ito ay manahimik.

Ako lang at mga tauhan ko ang nakaka alam tungkol kay Catty. Habang lumalaki siya lalo siya naging malikot. Hindi mo na siya pweding ikulong. Lalo akong nag-alala kung paano ko siya itatago, dahil iba siya kay sa mga pusa dati na nandidito sa planta. Ang mga iyon ay takot sa mga tao at nagtatago, ngunit si Catty iba, siya ay sumasalubong at nakipag-lambingan sa mga tao.

Sabado iyon, insakto 10:00 ng umaga ng ako ay umalis sa para sa aming lingohan meeting. Hinabilin ko si Catty sa isa sa aking mga tauhan. Alas 12:00 na natapos, at agad akong dumitso sa canteen upang magtaghali-an. Pagkatapos bumalik na agad ako sa loob ng departamento ko. Kapansin-pansin ang katahimikan. Umikot ako sa linya upang tingnan ang pinag-gagawa ng aking mga tauhan. Pag pasok ko pa lang napapansin kung nagbubulung-bulongan sila. Lahat nakatingin sa akin maliban kay Jose naka-upo at nakatakod sa akin. "Jose anung nangyayari, bakit ka nakaupo ka diyan sa oras ng trabaho?" Tumayo siya at humarap sa akin. "Sir sorry po" malungkot niyang tugon. "Sir si Catty po...si Catty po...sorry po hindi ko talaga sinasadya"dagdag pa niya. "Bakit ano nangyayari?" nanglamig ako nung ituro niya sa akin ang duguan niyang sapatos. "Sir si Catty nabagsakan mo ng finished products, hindi ko pa alam na sumunod siya sa akin." hindi ko po lubos maiisip kung paano makakayanan ni Catty sa liit ng kanyang katawan, ang mahigit 25 kilos na produkto na binagsak ni Jose mula sa kanyang pagkabuhat nito papunta sa sahig na kung saan nandoon si Catty naglalaro.

Tinitingnan ako ng lahat habang ginagawa ko ang maliit na kabaung para kay Catty. Yari ito sa isang karton na pinagtitigahan kung pagandahin na parang isang balot ng regalo. Ibina-on ko siya sa labas mismo ng aming planta, katabi ng isang katatamin lang na Palmera. Sa kanyang puntod nakalagay ang isang salitang "CATTY" na kasulat sa isang kartulina na kulay pink na may mga palamuti na gawa rin ng isa kung kasama.
Dalawang taon na ang nakalipas, ngunit sa tuwing nakikita ko ang malagong Palmera sa labas ng planta, ito ay nagpapa-alala sa akin kay Catty at ang aming saglit na pagkakaibigan. Pagkaka ibigan na nagsimula sa isang marahas na pagtingin ng tao sa mga hayup. Pagkakaibigan na hindi pangkaraniwan, pag kakaibigan ng tao at hayup na sinaksihan ng isang Malagong Palmera.

Sunday, August 16, 2009


Kung ang Pag-ibig ay pagpaparaya,
kaylan kaya ako liligaya?

Wednesday, August 12, 2009

Ang walang katapusang pagtatakbo


Minsan tayo na mismo nagpapagulo sa ating buhay. Pinipilit at pinagdidiinan natin ang isang bagay na para sa atin tama dahil gusto natin. Pero nakakalimutan natin na hindi lahat na gusto natin ay nakakabuti. Sinunod ang layaw at udyok ng marupok na damdamin. Nagbulagbulangan at nagbingi-bingihan dahil pinili lang ang nais nating makikita at maririnig. Gusto natin lahat sangayon sa atin, at kung may sasalungat man hinaharap natin ito sa marahas na paraan at sa maraming pagkakataon tatakbuhan natin ang katotohanan, ang katotohanan sa syang ilaw natin sa tamang landas. Ang nangyayari hanggang ngayon tayo ay bulag, bingi at walang tigil sa pagtakas at pagtakbo.

Saturday, August 1, 2009

Tita Cory- Larawan ng demokrasya




"Democracy in the end, is the best system for ordinary people. It is the only one that exalts them and unites them in peace across all the countries of the world."
Corazon C. Aquino


Ika-11 Pangulo ng PilipinasIkalawang Pangulo ng Ika-apat na RepublikaUnang Pangulo ng Ikalimang Republika
NanilbihanPebrero 25, 1986Hunyo 30, 1992
Punong Ministro
Salvador H. Laurel[1]
Pangalawang Pangulo
Salvador H. Laurel
Sinundan si
Ferdinand E. Marcos
Sinundan ni
Fidel V. Ramos
Kapanganakan
Enero 25, 1933(1933-01-25)Paniqui, Pilipinas
Kamatayan
Agosto 1, 2009 (edad 76)Makati
Partidong pampulitika
United Nationalists Democratic Organizations (UNIDO)/Lakas ng Bayan (LABAN)/Liberal
Asawa
Benigno Aquino, Jr.
Hanapbuhay
Housewife, Pulitiko
Relihiyon
Katoliko

Si María Corazón Cojuangco-Aquino (ipinanganak bilang María Corazón Sumulong Cojuangco) (Enero 25, 1933—Agosto 1, 2009) na lalong mas kilala sa palayaw na Cory ang ikalabingisang pangulo ng Republika ng Pilipinas at kauna-unahang naging babaeng pangulo ng Pilipinas (Pebrero 25, 1986Hunyo 30, 1992). Ipinanganak siya sa Tarlac kina Jose Cojuangco Sr. at Demetria Sumulong. Nakapag-aral siya sa Estados Unidos at nakapagtapos nang may digri sa Wikang Pranses. Siya ay kabiyak ni Benigno Aquino, Jr. ("Ninoy"), ang pinaslang na lider ng oposisyon noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos. Nailuklok siya sa pamamagitan ng isang mapayapang rebolusyon (Unang Rebolusyon sa EDSA) noong Pebrero 25, 1986 at ibinalik niya ang demokrasya sa bansa. Siya ay ina ng artistang si Kris Aquino.

Noong Marso 24, 2008, napabalita na mayroong cancer sa colon, isang sakit sa bituka, ang dating pangulo, na kasalukuyang may edad na 75. Pero dahil sa supporta ng kanyang anak na si Kris Aquino mayroon sa kanyang nag-aasikaso at ngayon unti-unti na nawawala ang kanyang sakit. Kung hindi dahil sa pagkamatay ng kanyang asawa na si Ninoy Aquino sa ngayon mas maging masaya at matapang si Cory. Agusto 1, 2009, sa edad na 76 siya ay tuluyan ng lumisan. Ngunit sa kanyang pag-alis iniwan niya ang pikamagandang pamana sa lahat na pilipino sa mundo ang pamana ng demokrasya.



Corazon C. Aquino










Monday, July 27, 2009

Tamis ng bunga ng katapatan


Isa sa pinakamagandang biyaya ng Diyos sa tao ay ang kakayahang makipagtalastasan. Ang bawat salita na lumalabas sa ating bibig ay makapangyarihan. Maari itong MAGPAPATAG o hindi kaya MAGPAHUNA. Maari itong MAGPAHILUM o kaya SUMUGAT. Maari itong MAGPATAWA o kaya MAGPA-IYAK. Maari itong MAGPATAYO o kaya MAGPABAGSAK.


Ano ba ang halaga sa iyo ang bawat salita na namumutawi sa iyong bibig? Napahalagahan mo ba ito tulad ng isang basong tubig habang naglalakad ka sa malawak at mainit na disyerto? Dapat lang, dahil ang bawat salita mo ay nagpakilala sa totoong ikaw, sa iyong pagkatao, sa iyong dignidad.


Maari nating sabihin na maliit lang ang ginagawa nating kasinungalingan at halos hindi ito na papansin, pero ang totoo, walang maliit o malaking pagsisinungaling, dahil ang dignidad mo bilang tao ay hindi maaring baguhin, ito ay tiyak, at hindi maaring palabasin na maganda ang isang larawan na unti-unting nabubulok dahil sa pagsisinungaling.


Totoo ang daigdig ng pagiging tapat at totoo ay sadyang napakalungkot, dahil iilan lang ang nangangarap at umasam na makakarating doon. Lahat nga daw ay sinungaling, at lahat naging biktima ng pagsisinungaling. Iyan ang kaisipan ng mga taong walang lakas baguhin ang kasing tanda na ng daigdig na kasal-anan, ang kasinungalingan.


Ngunit ang totoo ang buhay ay nagaalay ng mga magagandang pagkakataon upang tayong lahat maging tapat sa iba, sa ating sarili at higit sa lahat sa DIYOS. Ang pagiging tapat ay adhikaing banal at tuwid sa pangkat ang ating tagapaglikha ay tapat sa kanyang mga salita para sa atin. Ito ay nagbibigay ligaya at kapayapaan sa puso dahil ang taong tapat ay walang mga bagay na kinakatakutang mailantad dahil lahat nakikita sa salamin ng kanyang puso ang repliksyon ng katapatan. Ngunit ang mga sinungaling ay balisa at hindi mapakali. Tumatakbo wala naman humahabol. Nagtatago wala namang tumutugis, dahil sa kaibuturan ng kanilang puso nandoon nanahan ang halimaw ng kasinungalingan na unti-unti ng lumalamon sa kanyang pagkatao.


Iwaksi natin sa ating isipan ang maling adhikain na katanggap- tanggap ang pagsisinungaling paminsan-minsan. Mas maging mainam sa sisikapin nating maging tapat sa lahat na ating ginagawa sa lahat na panahon. Oo sa simula mahirap, ngunit ang mahalaga nagkakaroon ka ng busilak na adhikain gumawa ng tama. Kailangan mo munang maitanim sa iyong pusot isipan ang BINHI ng kahalagahan ng "BAWAT SALITA", hindi magtatagal ito ay unti-unting tutubo, yayabong, mamumulaklak at magbibigay bunga ng PAGBIBIGAY, PAG-ASA, KAPANATANGAN, PAG-AARUGA, PAGMAMALASAKIT at PAGMAMAHAL.


Isang araw matutuklasan mo na lang na ikaw ay naging tulad ng isang puno na matatag na nagbibigay bunga sa kanyang takdang panahon. Tinitingala dahil sa kanyang tatag, sinisilungan dahil sa lamig at lawak ng kanyang lilim at pinipitasan ng mga bunga upang ipamahagi. Ang tamis ng bunga ng katapatan.

Monday, July 20, 2009

Ang tao sa Buwan

Ang kalangitan ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Dios; at ipinakikilala ng kalawakan ang gawa ng kaniyang kamay.
Awit 19:1



July 20, 1969, linggo. Isang makasaysayang naganap hindi lamang para sa mga Amerikano, ngunit sa buong sangkatauhan. Sa araw na ito gunugunita natin ang ika 40 na anibersaryo ng unang naka-apak ang tao sa buwan. Marahil ito na ang pinakamapangahas na ginawa ng tao upang subukan arukin at sasiksikin ang isang daku na puno ng hiwaga at katanungan.

Sa kanilang pagbalik sa mundo, dala nila hindi lamang ang tagumpay ngunit pati na rin ang ilang sagot sa kanilang katanungan, mga sagot na maari pang magudyok sa kanila upang magtanong, mag-imbistiya at magsaliksik ulit. Sa pagkat likas sa tao ang patuloy magtukas at sumubok sa lahat na mga bagay na nasasagap sa kanyang pandama.

Ang pag-apak ng tao sa buwan ay isang palatandaan ng ating kakayahan at talinong mag-isip, mag-maglikha at sumubok ng bago. Ito ang dahilan kung bakit ang tao ay tinatawag na "PINAMATALINONG NILALANG" sa mundo, at itoy ang nag-hihiwalay sa natin sa ibang nilikha, at tinawag tayong "TAO" na pinakamatalino "kuno" sa lahat na mga hayop.

Ang talino ng tao ay galing sa DIYOS, ngunit madalas ang talinong ito ay ginagamit upang kutya-in at lapastanganan ang ating tagapaglikha. Karamihan sa mga scientist at inventor ay hindi naniniwala na may DIYOS. Para sa kanila lahat na bagay ay may paliwanag at dahilan. Ang Diyos ay nasa isip lang ng tao.

Bago na diskobre ng tao ang hydrogen o kaya mercury ito ay nandiyan na. Ang oxygen halimbawa ay nandiyan na yan mula ng nilikha ng DIYOS ang mundo. Ang naging trabaho na lang ng tao ay tuklasin at gamitin ito sa isang mas makabuluhang bagay para siya sana para-ngalan. Ngunit dahil sa kayabangan ng tao, itoy nagamit madalas sa kasama-an.

Pagkatapos masuyod ng tao ang kalawakan at masisid ang kailaliman ng karagatan, ano ang susunod niyang gawin, upang mapatunayan niya na siya ang pinaka magaling na nilalang sa ibabaw ng mundo? Kinalbo na natin ang kagubatan, nilason na natin ang karagatan at sinira na natin maging ang takip ng ating kalawakan. Ano pa ba ang kaya nating gawin? marami ba diba?

Sana habang pataas na pataas ang ating narating sa kalawakan, palapit na palapit din tayo sa ating tagapaglikha. Sana habang palalim na palalim ang ating naaarok sa kailaliman ng karagatan, palalim na palalim din ang ating ugnayan sa kanya.

Ang DIYOS ay nasa lahat na daku. Sana sa lahat na ginawa natin kasama ang pagnanais na parangalan siya. Sa ano mang ini-sip natin, sa lahat na sinasabi natin, sa lahat na pagpupunyagi natin sana kasama natin ang Diyos, dahil alam ko hanggang sa dakung doon na puno na ng misteryo at hiwaga nandoon ang Diyos, nandoon siya nung unang umapak ANG TAO SA BUWAN.

Friday, July 17, 2009

Ako ang nagwagi...ako ang nasawi!


Mag-iisang buwan pa daw ako noon nung linisan ng aking mga magulang ang bayan ng Parang, Maguindanao Sa Cotabato upang takasan at iwasan ang digmaan na hindi naman daw nila alam ang totoong dahilan.


Ilang taon na ang nakalipas ngunit ganun parin ang kalagayan ng lupang sinasabi nilang "LUPA NG MGA PANGAKO. Talagang bang hanggang sa pangako na lang ang lahat para sa Mindanao? Kahit nasa malayong lugar na ako, ngunit sa tuwing naririnig at napapanuod ko sa mga balita ang nangyayari doon, parang gusto kung bumalik sa nakaraan at siyasatin kung ano talaga ang dahilan kung bakit ang away at digmaang ito ay hindi matapos-tapos.


Ilang sundalo at Muslim na kaya ang nasawi sa digmaang ito? Ilang buhay at pangarap na ba ang nawasak dahil sa away na ito. Sino ba talaga ang totoong biktima sa walang katuturang digmaang ito. Ang digmaan ay walang nananalo, LAHAT ay talunan, ngunit ang higit na kaawa-awa ay ang mga walang kalaban-laban na sibilyan na naiipit at nadadamay sa gitna ng imperno na gawa mismo ng kapwa niya Pilipino.


Nadudurog ang aking puso, habang nakikita ko ang isang ama na hatak-hatak niya ang isang kalabaw na may hila-hila ding kalisa at doon nakasakay ang kanyang tatlong anak ,at isa sa mga batang iyon ay yapus pa ang alagang manok at tuta. Sila ay isang simpling magsasaka, na nagpapaka hirap sana para mabuhay, ngunit napilitang lumikas maisalba lang ang kanilang mga buhay dahil alam nila na ang bala ay hindi namimili kung sino ang kanyang tatama-an.


Babae, lalaki, matanda man o bata LAHAT BIKTIMA sa away na ito. At sino ang tutulong sa kanila? Taga saan ang kakanlung sa mga biktimang ito? Mga pilipino sila diba? ang higit sa lahat mga tao sila na may karapatang manirahan sa mapayapang pamayaan.


Ano ba ang ginagawa ng gobernong ito? Sapat na bang ang pinami-migay nilang lata ng sardinas at isang kilong bigas para sa mga mamayang apektado? Iwan ko lang kung ano ang tama, ngunit isa lang ang nais kung mangyayari, sana naman hindi lang sa panandali-ang lunas ang ating iisipin, ngunit isang solusyon na pang-matagalan at makatao.


Alam ko ang dig-maan ay bahagi ng buhay ng tao, ngunit kung makipag-laban man tayo sana sa patas at malinis na paraan. Sana ang pakikibaka at pakipag-laban natin ay isang mithiin upang tayo ay mas lalong umunlad. Hindi ko kayang basahin kung ano ang nasa likod ng mga utak ng mga taong may pakana nito, ngunit isa lang ang lubos ko nauunawaan, lahat ay may karapang mabuhay...nawa'y gampanan natin ang ating mga tungkulin kristiyano ka man o Muslim, Sundalo ka man o sibilyan pulitiko ka man o isang ordinaryong blogger lamang.

Wednesday, July 15, 2009

Pag-bibigay


Ibigay ang iyong matamis na ngiti sa lahat, maging sa mga taong ngayon mo lang nakikita.

Ito'y payak ngunit may kaka-ibang kapangyarihan, dahil ito'y naglalarawan ng iyong kaluluwa.

Huwag mapagod gumawa ng mabuti sa lahat na panahon.

May nanunuod man o wala magsumikap gumawa ng tama.

Lahat na magagandang bagay ay galing sa Diyos, at walang maliit, ngunit maganda kang ginawa ang nasasayang.


Kapag ikaw ay nagbibigay, huwag kang umasa na gagantihan ka dahil maaring ikaw ay mabibigo lamang.

Kung nag-aalok ka ng magandang bagay at ikaw ay tinangihan, huwag kang malungkot, tiyak ay may iba pang mas higit na nangangailangan ang nakahandang tumanggap sa iyong alok.


Ang mahalaga sa tuwing ikaw ay nagbibigay ay nandoon ang galak at kapayapaan, dahil ito ang totoong gantimpala sa taong mapag-bigay.


Kung ikaw ay humingi at hindi napagbigyan, huwag kang magtatampo.

Bakit hindi mo subukan sila ang pagbigyan sa pamamagitan ng iyong wagas na pag-uunawa.

Huwag mong sasabihin na pagod ka na sa pag-gawa ng kabutihan, dahil ang mga mabubuti ay araw-araw nagkakaroon ng panibagong lakas tulad ng AGILA.

Saturday, July 11, 2009

Huwag matakot

Huwag matakot mangarap at tumingala sa bituin,
sa pagkat sa pangarap ng simula at nabubuo ang lahat.
Doon malaya kang makagala maging sa kalawakan
upang iyong mahanap at mamasdan mula sa kataas-taasan
ang mga bagay na inaasam-asam.
Huwag matakot sumubok sa mga bagay na bago at hindi tiyak
dahil dito nasusubukan ang iyong tapang at likas na kakayahan.
Maging bukas at handa sa anumang pag-babago
upang matuklasan ang iyong kalakasan at maging kahinaan
upang sa ganun sarili ay lalong mapag-yaman.
Huwag matakot magmahal dahil yan ang bubuo ng iyong pagkatao.
Maging sa pagkakataon na hindi natutumbasan gaya ng iyong inaasahan,
magmahal ka ng lubos at huwag mangamba sa anumang kinalabasan
dahil ang busilak na puso ay may sapat na kakayahan upang ang lahat na hamon
ay mapagtagumpayan.
Huwag matakot magpamalas ng totoong naramdaman
dahil karapatan mo ang makinig at mapakinggan.
Ang pagpapamalas ng tunay na saloobin sa tamang paraan at panahon
Ay biyaya na galing sa Diyos mula ng ikaw ay isilang.
Huwag matakot lumaban kung kinakailangan
Kahit ikaw ay nag-iisa sa iyong pinagtatangol na adhikain.
dahil ang totoong laban ay hindi nasusukat kung sino ang nananalo
ngunit kung paano ka nakipaglaban ng malinis at patas haggang sa huli.
Maaring kailangan mo ng kasama upang makatayo ka sa harap ng mapangutyang madla
ngunit kailangan mo ng sariling tapang upang makatayong mag-isa.

Wednesday, July 8, 2009

Ayoko nang mag-isa!

Ikubli mo ako

sa luklukan ng puso mo

ayaw ko ng lumayo

pagsamo ko ay dinggin mo.




Isama mo ako

sa dakung paruru-unan mo

ayoko nang mag-isa

at mawalay pa sa piling mo.





(Isang sulat na naging tula. Tula na naging kanta. Kanta na ako lang ay may -alam. Sa nakalipas na mahigit na 6 na taon, ito ay nakasulat sa isang gusot na papel at nakasiksik sa isang lumang aklat nakatago sa isang sulok ng aking silid. Isang maikli ngunit madamdaming pag lalahad ng aking damdamin sa Panginoon, na sa panahon na inakala ko na ako ay nag-iisa at iniwan na ng lahat na kaibigan na dati ay aking kapanalig at kasama, at sa panahon na akala ko, pati SIYA ay nakalimutan na ako....doon ko natuklasan na ako pala ang naligaw at lumayo at sa kanya. Sa isang madilim at liblib na lugar na aalala ko doon ko ito nahabi sa aking pusot isipan, isang tula at panalangin sa sana'y lagi kaming magkapiling.....habang buhay!)

Saturday, July 4, 2009

Wag kang maki-alam kung wala kang alam..!


Likas na yata sa pinoy ang pagiging tsimoso at mahilig maki- alam sa buhay ng may buhay. Sa nag daang araw pinagkaguluhan hindi lamang sa bangkita na nagtitinda ng piniratang DVD sa eskandalong kinasangkutan ng mga kilalang personalidad na si Hydeen at Katrina, ngunit gumawa ito ng eksina sa maging sa Senado.



Ang isang bagay na gawa ng mga taong nasa tamang edad ay sagutin na iyon mismo sa taong gumawa nito. Tungkulin na niya ang pakaingatan , alaga-an at harapin ang mga bagay na kanyang ginawa tuwid man ito ay may kabaluktutan man. Ang mga taong kadalasan sangkot sa ganitong eskandalo ay mga taong nasa tamang edad na, kaya marapat na sila ay umakto ayon sa kanilang edad.



Ang hindi ko lang maiintihan kung bakit maging ang Senado nag-abala ba upang itoy halungkatin, at ang matindi pa ginagawa sa harapan ng mga camera upang kunware malaman ng buong bayan ang katotohanan. Ang isang bagay na ginawa ng dalawang tao sa isang sekritong lugar, ay ilantad mo sa publiko alang-alang sa sinasabing katotohanan??? Ang isang bagay na nag-uugat sa isang makasarili at maka mundong pagnanasa ng dalawang tao ay dalhin mo sa senado upang mas lalong kaladkarin ang mga taong may kaugnayan nito? Ganito na ba ka PAKI -ALAMIRO ang ating bansa?



Ang isyu ba ng eskadalong ito ay mahalaga pa kay sa isyu ng kawalan ng trabaho, malnutrisyon, digmaan sa Mindanao, basura at kurapsiyon sa pamahalaan. Si Katrina at Hydeen ay may mga trabaho, nakakain at nalalasap ang sarap ng buhay kumpara sa mga batang kalye na naghihintay lamang ng may mapupulot na pagkain sa kung saan-saan.



Kung makiki-alam man tayo, sana maki alam tayo sa totoong bagay na makabuluhan at may maiidulot nakabutihan sa karamihang pilipino. Walang eskadalo kung lahat ay maging maiingat at responsable sa bawat niyang galaw at kilos. Matatakot ang mga taong magkalat ng eskandalo kung ang bansang ito ay may batas na ukol dito. Ngunit ang tanong mayron ba??? yun ang dapat unahin ng mga pumapapel at paki alamirong mga pulitiko.



Hayaan mo ang mga taong gumagawa ng eskandalo na mamatay na baon ang hiya. Iyan ang kabayaran sa kanilang kabulastugan.

Monday, June 22, 2009

Magkano ang iyong dangal?





Sa mundong ating ginagalawan, umiinog tayo na hindi nag-iisa. Kasama sa ating pag galaw ay kung paano natin na isapuso ang moralidad at napapahalagahan ang ating halaga bilang isang taong likha ng DIYOS. Burahin natin saglit sa ating isipan na ang bawat isa ay labis na mahalaga. Kunwari ang salitang moralidad at dignidad ay hindi na imbinto ng tao. Kunware lahat ay maaring tumbasan ng halaga. Kung ganun ang kalakaran ng mundo, sa palagay mo MAGKANO KA? alam ko mahirap itong sagutin...ngunit ang sagot mung ito ay makakatulong upang mas lalo mung makikilala ang iyong sarili at higit sa lahat ang silbi ng iyong pagkalikha.

Friday, June 12, 2009

Kalayaan!


Sa araw na ito, gunigunita natin ang ating kalayaan mula sa pananakop ng mga dayuhan. Ilang taon na ang nakalipas, ngayon babalikan natin ang pahina ng ating kasaysayan. Talagang bang tuluyan na tayong malaya? o hanggang ngayon tayo ay nakakulong parin sa isang hawla na tayo na mismo ang may gawa. Totoo wala na tayo sa poder ng mapag- aping kastila, ngunit araw-araw tayo ay para na ring inaapi ng mga manhid na namumuno na walang ibang iniisip kundi ang kanilang sariling kapakanan imbis na ang kabutihan ng pangkalahatang pilipino. Totoo na dumami ang mahirap sa pilipinas, maraming nagugutum, maraming gumawa ng masamang bagay para lang may maisubo at mabuhay. Alam kung hindi makatotohanan na isisi lahat sa ating pamahalaan ang lahat na kapalaran ng bawat pilipino. Ngunit ang tanong ano ba ang ginagawa ng ating pamahalaan upang matulungan, magabayan at maiingat ang buhay ng bawat isa? Ang mayaman ay lalong yumayaman at ang mga mahirap ay lalong naghihirap.


Malaya na mga ba tayo? Ilan nating mga kababayan ang nagtatrabaho bilang katulong sa ibang bansa na ikinukulong ng mga salbahing dayuhan amo. Ang iba sa kanila, sinasaktan, ginagahasa, napagbibintangan at ang masakit namamatay na walang kalaban-laban. Akala ko ba na sa panahon lang ng kastila ang ganitong pangyayari? ngunit hanggang ngayon mayroon pa, nag-iba lang ng anyo, ngunit ang larawan ng pagiging alipin ay nandoon pa rin. Totoo na ang mga pilipino ay talagang magaling na manggawa sa buong mundo, ngunit hindi ito nakikita at napapahalagahan ng mga mapagsamantalang dayuhan.



karihapan, krimin, pag-baba ng moralidad at pagiging hayuk sa kapangyarihan ay mga rihas ng nagpapakulong sa atin. Sa tuwing itinataas ang ating watawat, na sana naging simbolo ng ating kalayaan ito'y nagwawagaway ng ating totoong katayuan sa buong mundo. Ilang taon pa ba ang ating gugunitain na puno ng pagkukunwari.


Ang ating pamahalaan ay na bansagan na "NATION OF SLAVE" isang masakit ngunit katotohan na dapat pumukaw sa ating mga namumuno.



Hanggang may mga Ina na umaalis patungo sa ibang bansa upang mag alaga ng ibang anak samantala ang sarili niyang anak ay kanyang iniwanan, hindi tayo matatawag na malaya. Hanggang patuloy ang pagdami ng walang trabaho hindi tayo totoo malaya. Hanggang dumadami ang nagugutum, hindi tayo totoong malaya. At hanggang patuloy tayong bubuto ng BUWAYA pulitiko hindi tayo maging malaya.



Ang kalayaan ay nasa ating kamay......



Huwag na tayong maging mangmang........



Sana natutu na tayo sa lahat na mga bagay nakasulat sa bawat masakit at mapaiit na pahina ng ating pagiging alipin sa sariling bayan.

Sunday, June 7, 2009

Ganito ako noon....

December 2007, Christmass Presentation


October 2008, Tagaytay City

Paano kaya ako bukas???
Hindi ko alam.
Ngunit isa lang ang lubos kung nalalalaman,
hindi ko man alam ang bukas
ngunit alam ko
kung sino ang may hawak sa aking kinabukasan.
Ikaw alam mo ba ang may hawak sa iyong bukas?




Monday, May 25, 2009

Lahat mahalaga


Araw-araw may bagong karanasan, may bagong bagay na natutuklasan, may mga bagong mukha ang nakikita at bagong kaibigan ang natatagpuan.


Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa kanyang paglubog, ang bawat minuto ay sadyang napakahalaga. Mahalaga, dahil ang lahat na bagay sa mundong ito, ay kung may simula mayroon ding katapusan. Sadyang napakamakapangyarihan ang bawat segundo. Hindi mo ito kayang tigilin o kaya habulin ngunit maari mo itong sabayan, sabayan sa kanyang pag-inog hanggang ihatid ka sa daku na nais mong puntahan.


Ikaw, anong bagay ang nais mong makamit? Anong lugar ang gusto mong mapuntahan? Sinong tao ang nais mo makita at makausap? May mga bagay ka bang nais gawin o kabutihan na nais ipadama, gawin mo na ngayon at wag ng ipabukas sa pangkat ang lumipas na oras ay hindi mo na kayang ibalik. Matuto tayong magpahalaga sa mga bagay na ibinigay sa atin ng Diyos.


Ang iyong mga kapatid, kaylan mo sila huling nakita, nakausap at nakalaro? Hindi lahat nabibiyaan ng mga kapatid, sila ay ating kawangis, kaya dapat nating pahalagahan sa pagkat ang pintig ng kanilang puso ay pintig din ng sariling mong puso.


Ang iyong mga magulang, kaylan mo huling napangkingan ang kanilang parangal at payo. Kaylan mo huling na isama sila sa iyong mga pangarap at panalangin? nasasabi mo na ba sa kanila na mahal mo sila? o hindi kaya habang tumatanda ka at natutung tumayo sa sarili mo mga paa, unti-unti mo rin silang nakakalimutan. Sila ang simula ng ating buhay, daluyan ng pagpapala mula sa itaas kaya dapat sila ay pahalagahan habang sila ay nandidiyan pa. Sa takip silim ng kanilang buhay isang dakilang gawain ng isang anak ang pahalagahan at mahalin ang kanilang mga magulang. Pangalawa sunod sa Diyos, Mahalin at galangin mo ang iyong nga magulang.


Sa mga taong minahal mo at nagmahal sa iyo, buksan mo ang iyong puso, damhin ang pag-ibig na pag-ibig lang mismo ang maaring makapagpapaliwanag sa mga bagay na nagagawa niya sa buhay ng tao. Pahalagahan ang bawat pangako at pakaingatan ng husto ang pagtitiwala, dahil kapag ito ay nawasak sinayang mo ang isang mahalagang pagkakataon upang ipakita ang kadalisayan ng iyong puso.Banal ang pag-ibig at hindi to nakipaglaro ng damdamin dahil sa pakipaglaro ng damdamin ay isang pagsasayang ng mahalagang segundo ng buhay upang makagawa ng tuwid sa paningin ng DIYOS.


Ang iyong kaibigan, napansin mo ba ang kanilang halaga? Hindi sila mga kasama lamang, sila ay kaibigan na ibinigay ng Diyos kaya dapat sila ay pahalagahan. Nasasabi mo na ba sa kanila ang "Salamat sa pagiging kaibigan". Nasusubukan mo na bang magparaya para sa kanila? Ilang beses mo na bang inunawa ang kanilang mga damdamin? Ikaw ba ang kaibigan na lumalapit para may makuha o kaibigan na lumalapit upang may maibigay? Hanggang saan o kaylan mo pagkaingatan ang isang pagkakaibigan na hinabi mula sa misteryo at kapangyarihan ng Diyos.


Ang sikat ng araw? Ang halakhak at iyak ng mga bata? Ang huni ng mga ibon at ang lamig ng simoy ng hangin? Kaylan mo ito napansin ng napahalagahan?


Ang taong katabi mo sa sasakyan?Ang babaeng naglalako ng gulay? o ang magsasaka na nag aararo sa bukid? nakita mo ba ang kanilang halaga?


Pumikit ka saglit. Huminga ka ng malamin.


Yung tinatayuan mong sahig o inuupuang silya ano ang halaga sa iyo?


Minsan ang simpling bagay sa mundo ay siyang makapangyarihan. Totoo na ang mundo ay sadyang napakalawak at halo-halo ang kung ano ang mayroon dito. Dahil ang buhay ay iisa lamang dapat malalaman natin kung ano talaga ang gusto natin at kung ano ang kailangan natin. Hindi lahat na gusto natin, kailangan natin. Matutu tayong mapahalagahan ang mga bagay na karugtong sa ating buhay.Gawin na natin ang mga bagay na hindi pa natin nagawa dati na sa isip natin ay dapat ng gawin ngayon.


Tingnan mo kung ano ang iyong pagkukulang sa iyong mga kapatid, magulang, mga minahal, kaibigan, sa iyong sarili at higit sa lahat sa Diyos. Gawin mo na ngayon at huwag mo ng ipabukas dahil ikaw tulad ko dadaan lang sa mundong ito, kaya mag-iiwan ka ng magandang bakas na mananatili sa bawat puso panahon man ay lumipas.


Sunday, May 24, 2009

Sa aking pagbabalik (Isang Panalangin)


Ilang ulit ko ng sinasabi "ayoko na".
hindi ko na mabilang ang pagkakataon na ako ay nagsasabing "patawarin mo ako".
Paulit - ulit ko nang sinasabi "hindi na po mauulit".
Umiyak, lumuhod at nagmamakaawa na para bang yun na ang aking huling pagkakataon.
Ngunit kung gaano ka dami sinasabing ang "ayoko na", mas higit pa don ang udyok ng damdamin na tila nagsasabing "gusto ko pa".
Ang salitang "patawad" ay gasgas na.
ang "hindi na po mauulit" ay naging paulit-ulit, paulit-ulit at paulit-ulit kung ginawa.

Ang ganitong pangyayari sa buhay ko ay isang pagpapatotoo ng iyong hindi maipaliwanag na pag-ibig sa akin. Pagkakataong ibinigay mo sa akin hindi lamang isa, kundi isang libo't isa, ay tanda na ikaw ay mahabagin.

Sino ba ako? wala akong dapat ipagmamalaki. Ni lakas upang umulat ko ang aking mga mata tuwing umaga ay wala ako. Lahat ay nanggagaling sa iyo. Sa iyong kabutihan kaya'y ako ay naririto.

Ngunit hanggang kaylan kita susuwayin? habang buhay ba kita ipapahiya? Hindi ko na po mabilang ang pagkakataon na sinuway at sinugatan ko ang iyong banal na puso.

Panginoon, alam kong tila nasasanay ka na nito, ngunit kailangan ko itong sabihin na "Patawarin mo po ako".

ako ay mahina at marupok
makasalanan at nararapat ng iyong hagupit.

Ngunit alam kong ikaw ay mapagmahal nawa'y husgahan mo ako ayon sa iyong dakila at banal na pagmamahal.hugasan mo po ako, at linisin dahil alam kung ikaw lang ang maaring makagawa niyan sa akin.

Sino ba ang aking masasabihan?
Ang aking mahal na Ina at mga kapatid ay malayo sa akin.
Ni matalik kung kaibigan hindi ako maiintihan, sa mga bagay na ikaw lang ang may lubos na alam.
Sa iyo ako lumalapit dahil ay ikaw ay subok ko na. Ikaw ang aking matalik na kaibigan.

Sa aking kahinaan ikaw ang kalakasan.
Sa aking kalungkutan ikaw ang galak.

Paano na kaya kung wala ka? hindi ko po masasagot dahil sa panahon na ako ay lumayo sa iyo, ikaw ay natataling walang pagod na naghihintay sa aking muling pagbalik sa ating tagpuan, sa isang sulok ng aking puso.
Kahit sinasaktan kita hindi mo magawang lumayo, dahil pangako mo hindi mo ako iiwan.

Ngayon nandito ako, nakikita mo kung sino ako.
Walang silbi! walang kadadala!
Bakit naaalala lamang kita sa panahong ganito?
Bakit hindi ko naisip ang lahat na ito sa panahong nandoon ako nagpakasasa sa maka mundo at maka sariling pagnanasa at kasakiman.

Dahil ay ako ay mahina
marupok
at makasalanan

Ngunit ang iyong wagas na pag-ibig ay kayang linisin ang lahat na iyan.

Saturday, May 23, 2009

Kaligayahan


Huwag mung ididipindi ang kaligayahan mo sa iba, dahil kahit sila ay iyong mga mahal sa buhay, tulad mo sila ay isang nilalang na may sariling buhay, adhikain at landas na tinatahak.
Maaring lumigaya ka sa pangkat sa maraming pagkakataon naging iisa ang inyong mga pangarap. Ngunit masakit tanggapin ang katotohanan na sila ay minsan nangarap na hindi ka kasama.

Huwag mong ididipindi ang kaligayahan mo sa mga bagay na nakamtan mo na o hindi kaya sa mga bagay na inaasam-asam mo pa. Ang tao ay isinilang na hayuk at ganid. Maaring sabihin niya na "pagnakuha ko na ito, tama na at liligaya na ako", ngunit ang totoo, ito ay palabas lamang sa totoo niyang likas na katauhan na walang tigil sa paghangad at walang pagka kuntinto.

Huwag mong ididipindi ang iyong kaligahan sa anumang sitwasyon.
Dahil ikaw bilang tao ay nilalang na may talino at lakas upang sabayan o hindi kaya salungatin ang mga pangyayari na likha ng kalikasan at panahon.

Huwag mong ididipindi ang kaligayahan mo sa mga bagay na kayang sagapin ng inyong pandama. Hindi lamang ang kayang amuyin ng ilong, lasahan ng dila, pakinggan ng tinga, nakikita ng mata o nararamdaman ng paghipo ang nagbibigay wagas na ligaya sa tao.

Bagkus, dapat mong malaman na ikaw ay nilalang na bukod tangi, ikaw naririto dahil may pakinabang at dahilan, ang maparangalan ang dakilang lumikha sa iyong buhay.

Sa anumang adhikain mo, o ano man ang iyong ginagawa at gagawin pa, dapat kasama palagi ang pagnanais na magampanan mo ang tungkulin na pinagkatiwala, at ang silbi ng iyong pagkalalang.Tiyak ang daan na iyong tatahakin ay mapayapa at maluwalhati, dahil tinatahak mo ang daan ng Diyos, ang daan tungo sa tunay na kaligayahan.

Pahiram nga!


Pag ikaw nagmahal, huwag mong sabihin ang salitang "akin ka lang" dahil walang sinuman sa mundong ito ang nagmamay-ari sa anumang bagay.

Ang mga magulang ay hindi nagmamay-ari sa kanilang mga anak.
Ang asawa mo o kasintahan pa man, hindi mo sila pagmamaya-ari. Hindi ibig sabihin na sila ay nakinig at sumunod sa iyong sinasabi at pinapagawa, sila ay iyong-iyo na. Sila, katulad mo ay nilalang na may sarili ding landas na tinatahak.

Ang tungkulin ng totoong pagmamahal ay umaakay at hindi nanakal.
Nagbibigay kalayaan at hindi nanakop.
Nakikipag-ugnayan at hindi makasarili.
umuunawa sa halip na manghusga.

Maaring tama ang sabihin na "isinilang ka para sa akin", ngunit mas higit na banal at tuwid ang katotohanan na tayong lahat ay naririto para parangalan ang dakilang lumikha.
Walang sinuman dapat magmayabang sa nakamtang mga bagay na hiram lamang, dahil maari itong bawiin sa totoong nagmamay-ari sa panahon na hindi mo inaasahan.


Ngayon na!




Hindi ibig sabihin nagpakabait ka, mabait na rin ang lahat na taong nakapaligid sa iyo.


Hindi ibig sabihin na maunawain ka, kaya ka ring unawain ng lahat na taong makakasalamuha mo.


Hindi ibig sabihin nagparaya ka, mayrooon din magpaparaya para sa iyo.


Ang mahalaga sa lahat na ginagawa mo, ginawa mo ito ng tama at hindi naghihintay ng anumang kapalit, sapangkat lahat na bagay ay may katapusan at lilipas lang.


Kaya kung may pagkakataon kang magbigay, magbigay ka ng lubos.


kung may pagkakataon kang magmahal, magmahal ka ng totoo.


Kung ito ay iyong magagawa, lilipas man ang lahat na bagay, wala kang pagsisihan dahil gumawa ka ng tama sa tamang panahon.


Wala kang panghihinayang sa iyo puso, dahil natutu kang magpakabait, umunawa at nagparaya.


Kung mayroon mang manghihinayang walang iba kundi ang mga taong kaylan man hindi pinapahalagahan ang dalisay na mithiin mo sa buhay, ang magmahal na walang kapalit dahil sa maraming pagkakataon saka pa nalalaman ng manhid na puso ang kahalagahan ng isang bagay kung ito ay tuluyan ng lumisan.




Bulag nga ba ang pag-ibig?


Ito'y madalas nating naririnig. Ngunit para sa akin ito ay walang katotohanan. Bulag daw ang pag-ibig dahil ang isang maganda, matalino at mayamang babae ay lubos na napaibig sa isang hamak lamang na hardinero.

Madalas nababasa natin ito sa mga nobela, napapanuod sa mga pelikula at higit sa lahat nangyayari sa totoo nating buhay.

Ngunit ang lahat na iyon ay hindi paladaan na bulag nga ang pag-ibig.
Ang pag-ibig ay galing sa Diyos at lahat na galing sa Diyos ay buo at walang kapintasan.

Banal ang Diyos at hindi mo maaring pagsanibin ang kanyang kabanalan sa isang kapintasan tulad ng pagkabulag.

Totoo na ng mahal tayo sa kabila ng kahinaan ng taong ating minamahal, hindi dahil bulag ang pag-ibig.

Nakikita natin lahat ito, ngunit sa halip na tumingin tayo sa kanyang kahinaan , nakatuon tayo sa kanya, bilang tao na lubos nating minahal.

Nasaktan tayo, nagparaya at patuloy na nagmamahal sa kabila ng lahat ay ang ating puso puno parin ng pagmamahal.

Ito ay hindi tanda ng pagiging bulag,
ito talaga ang likas at katangian ng pag-ibig. Sa halip na sabihin natin na bulag ang pag-ibig, nararapat na sabihin natin na ang pag-ibig ay handang takpan ang anu mang kahinaan ng taong ating minahal. Iyan ang totoong pag-ibig na naguugat mula sa itaas.

Ngayon tingnan mo ang iyong sarili. Tanungin mo. Bakit may nagmamahal sa akin sa kabila ng lahat? O bakit mahal ko siya sa kabila ng lahat? Ang sagot ay hindi dahil ang pag-ibig ay bulag, kundi ikaw ay nakikibahagi lamang sa banal at katangian ng pag-ibig. Ang pag-ibig na wagas, pag-ibig na nag uugat sa Diyos.